5 magkakapatid tupok sa sunog
MANILA, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng limang magkakapatid matapos matusta sa kanilang bahay na nasunog kamakalawa ng gabi sa Barangay Capinonan, bayan ng Cabanglasan, Bukidnon.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, Bandang alas-7 ng gabi nang magsimulang tupukin ng apoy ang bahay ng mag-asawang Richie Linggoyan, 30; at Anabel Linggoyan sa Purok 13, Sitio Bangkal sa nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, iniwan ng mag-asawang Linggoyan ang natutulog nilang mga anak na sina Dolorisa, 11; Glen, 10; Harold Jay, 5; Anarel, 3; at si Arian Linggoyan, 2 kung saan nagtungo ang dalawa sa tindahan ni Magdalena Endrina sa kabilang ibayo upang mag-videoke at uminom ng alak.
Nilamon ng apoy ang buong kabahayan na sinasabing nagsimula ang apoy sa natumbang gasera sa sala na tinutulugan ng magkakapatid kaya naganap ang trahedya.
Nabigong mailigtas ang mga bata dahil sa matinding init na bumalot sa kabahayan ng mga biktima.
Nagawa namang makaligtas ng 12-anyos na panganay ng mag-asawa na si Angelo Linggoyan matapos na iwanan ang magkapatid para sunduin sa inuman ang mga magulang.
Rumesponde sa sunog ang mga tauhan ng Cabanglasan PNP at Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan narekober ang mga bangkay ng magkakapatid na halos hindi na makilala sa grabeng pagkatusta ng mga katawan.
- Latest