Sinunog, sinimentong bangkay nakilala na
BULACAN, Philippines – Kinilala na ng pulisya ang bangkay na sinunog saka sinimento sa drum bago inabandona sa gitna ng palayan sa Barangay Parada, bayan ng Santa Maria, Bulacan noong Biyernes ng gabi.
Naging susi sa pagkakakilanlan ang tatoong GL sa biktimang si Mark Anthony “Tornek” Guarin, 23, ng Northville 4B, Barangay Lambakin sa bayan ng Marilao, Bulacan.
Ayon kay PO2 Jonathan Mañacap, huling nakitang buhay ang biktima na umalis sa kanilang bahay ng kanyang ka-live-in na si Jazel “GL” Historello dahil sa simpleng away noong Pebrero 10.
Subalit ilang araw na ang nakalipas ay hindi pa bumabalik ang biktima hanggang sa matagpuan ang kanyang katawan na nakasilid sa loob ng drum sa Sitio Ibayong Tabon sa nasabing barangay.
Bago maganap ang insidente, lumilitaw na binisita ng dalawang kaibigan ang biktima saka binigyan ito ng malaking halaga bilang balato sa ginawang modus operandi sa Caloocan City.
Pinaniniwalaang miyembro ng Akyat-Bahay Gang ang dalawang kaibigan ng biktima na kapwa nawawala rin hanggang sa kasalukuyan.
- Latest