NPA umatake: 5-katao patay
MANILA, Philippines - Napatay ang isang rebeldeng New People’s Army at apat na sundalo habang apat naman sa tropa ng militar ang nasugatan sa pag-atake ng mga rebelde sa himpilan ng Mati City PNP sa Davao Oriental kamakalawa ng gabi.
Dakong alas-7:30 ng gabi nang atakehin ng mga armadong rebelde na naka-fatigue uniform ang himpilan ng Mati City PNP sa Barangay Poblacion.
Hindi naman inasahan ng mga rebelde na nakahanda ang pulisya at sa tulong ng tropa ng Army’s 701st Brigade ay nakipagsagupaan kung saan makalipas ang ilang minutong bakbakan ay nagsiatras ang grupo ng NPA na lulan ng truck, dalawang van at limang motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay Sudlon.
Nabigo ang NPA rebs na makubkob ang nasabing himpilan habang isa namang rebelde ang napaslang sa bakbakan kung saan sugatan naman ng isang pulis.
Sa pahayag naman ni Col. Romeo Brawner Jr, hepe ng operations sa AFP-Eastern Mindanao Command, tatlo sa mga sundalo ng Army’s 701st Infantry Battalion na tumugis sa papatakas na NPA rebs ang namatay matapos masabugan ng dalawang landmine na itinanim ng mga rebelde.
Kinilala ang namatay na sina Pfc. Daniel Damansila Jr., Private Ryan Amigo at si Pfc. Wil Christian Resuelo na namatay sa Tagum City Hospital.
Kabilang naman sa sugatan ay sina Pfc. Virgil Logronio, Pfc. Emerito Castillo, Pfc. Zaldy Canonero at si Pfc. Ian Mark Babiera.
Maging si Sergeant Adel Lucanan ng 67th Infantry Battalion na nakasibilyan ay pinagbabaril ng mga rebeldeng nakakalat sa kalsada matapos itong maharang sa checkpoint ng NPA.
- Latest