2 ex-mayors timbog sa raid sa shabu laboratory
MANILA, Philippines – Sa kulungan nagdaos ng Araw ng mga Puso ang dalawang magpinsang mga dating alkalde makaraan ang mga itong mahulihan ng bulto ng mga kemikal sa paggawa ng droga sa isinagawang magkakahiwalay na raid sa dalawang shabu laboratory sa Masbate City nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Lester Abapo alyas Cherry Boy, dating alkalde sa San Fernando at kasalukuyang incumbent Chairman ng Brgy. Magallanes, Masbate City at Bernadito Abapo, dati namang alkalde ng Milagros, Masbate.
Ayon kay Chief Inspector Roque Merdeguia, Spokesman ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) dakong alas-6 ng umaga ng salakayin ng kanilang mga tauhan at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang laboratory ng shabu sa dalawang compound sa lungsod.
Sinabi ni Merdeguia na ang sinalakay ng laboratoryo ng shabu ay ipinatayo umano ng Chinese drug lord na tinukoy na si Ponga Lee alyas Co, ng dalawang suspek at iba pang mga kasabwat ng mga ito sa sindikato ng droga sa Bicol Region.
Ayon kay Merdeguia, isa sa shabu laboratory ay matatagpuan sa Sitio Cagba, Brgy. Tugbo ng lungsod na pinangangasiwaan ni Bernadito at ang isa pa sa Brgy. Nursery ng nasabi ring siyudad na pinamamahalaan naman ni Cherry Boy.
Nakumpiska sa raid ang bultu-bulto ng mga kemikal sa paggawa ng shabu, mga kagamitan sa laboratoryo saka mga armas. Patuloy naman ang inventory sa mga nasamsam na epektos upang mabatid ang halaga nito.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Anti-Dangerous Drugs Act ang mga naligaw ng landas na mga dating lokal na opisyal.
- Latest