Ex-priest itinumba ng riding in tandem
MANILA, Philippines - Binistay ng bala ng riding in tandem ang isang dating pari sa labas ng isang eskuwelahan sa bayan ng Maramag, Bukidnon, kamakalawa.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan sa dami ng tama ng bala ng baril na naglagos sa kaniyang katawan ang biktimang si Teresito Labastilla, 45.
Ayon kay Inspector Jiselle Longakit, spokesperson ng Bukidnon Police, naganap ang krimen sa harapan ng Maramag Central Elementary School na matatagpuan sa kahabaan ng Dionisio Micayabas St., Brgy. North Poblacion sa nasabing bayan dakong alas-7:45 ng umaga.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Longakit na kahahatid lamang ng biktima sa anak nitong lalaki sa nasabing eskuwelahan nang biglang sumulpot ang dalawang suspect lulan ng motorsiklong Suzuki Samurai.
Agad pinaputukan ng backrider ang biktima hanggang sa duguan itong humandusay.
Nabatid na ang biktima ay dating Kura Paroko ng Simbahang Katoliko sa Malaybalay City at San Fernando pero kumalas ito sa pagpapari matapos na umibig sa isang babaeng deboto sa simbahan.
Samantalang tumakbo rin itong alkalde ng Lantapan noong 2013 local election pero natalo kay incumbent Mayor Godofredo Balansag.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen.
- Latest