Wanted sa pananaksak, timbog
BULACAN, Philippines - Bumagsak sa kamay ng batas ang tianguriang No. 5 most wanted person at isa sa dalawang lalaking responsable sa pagsaksak ng anim na beses sa isang tricycle driver matapos na mamataan na muling bumalik sa kanyang bahay sa Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan kahapon ng umaga.
Nakapiit na sa himpilan ng pulisya at nakatakdang iprisinta sa korte ang akusadong si Dennis Santiago, 22, residente ng Northville 4-A, Brgy. Lambakin na isa sa most wanted person sa nasabing bayan.
Base sa ulat ni P/Supt. Marcos Rivero, dakong-alas 10:30 ng umaga, isang impormante ang nag-ulat hinggil sa muling pagbabalik ng suspek sa kanyang bahay sa naturang lugar at nang makumpirma ay dito na siya inaresto ng pulisya na armado ng dalawang warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Ma. Theresa Mendoza-Arcega ng RTC Branch 17 sa Malolos City .
Base sa rekord ng pulisya, habang papauwi sa kanyang bahay ang biktima na si Alfredo Sunga, 26, noong gabi ng Disyembre 25, 2012 ay nadaanan nito na nag-iinuman ang suspek kasama ang isa pang akusado na una nang naaresto ng pulisya na si Rostum Taburnal, 18, saka inalok ito ng tagay na pinagbigyan ng biktima.
Matapos ang isang lagok ng alak, nagpaalam ang biktima subalit inobliga ng mga suspek na bumili ng isang bote na naging dahilan ng pagtatalo hanggang sa saksakin ang biktima ng mga suspek ng anim na beses. Himala namang nabuhay ang biktima sa kabila ng matinding tama nito sa katawan.
- Latest