3 itinumba sa onsehan sa droga
MANILA, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang isang babae ang napaslang makaraang pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen kaugnay sa sinasabing onsehan sa bawal na droga sa Iligan City, Lanao del Norte noong Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Supt. Orlando Benas, director ng Iligan City PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga biktima na sina Erik Ramil Magalop, 39; alyas Cris na idineklarang patay sa Gregorio Memorial Lluch Hospital; at si Ophel na pawang may tama ng bala sa ulo.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na naganap ang krimen sa kuwarto ng bahay ni Magalop sa Consunji Street, Barangay Poblacion, bandang alas-12:10 ng umaga.
Sa pahayag ng mga residente, bigla na lamang dumating ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at pumasok sa bahay ni Magalop.
Narekober sa crime scene ang ilang sachet ng shabu, drug paraphernalia, P.2 milyong cash at mga basyo ng bala ng cal.45 pistol.
Pinaniniwalaang may kinalaman sa onsehan sa droga ang isa sa motibo sa pamamaslang sa mga biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest