SBMA-ELA kinatigan ng DOLE
SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Kinatigan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang petisyon ng Subic Bay Metropolitan Authority – Employees Labor Association (SBMA-ELA) bilang lehitimong organisasyon ng mga kawani sa Subic Bay Freeport Zone.
Sa inilabas na memorandum na may petsang Enero 6, 2015 ni Atty. Benjo Santos M. Benavidez, director ng DOLE-Bureau of Labor Relations sa Maynila, lehitimo at walang misrepresentation and fraud ang application for registration ng SBMA-ELA.
Bahagi rin ang karapatan sa self-organization and collecting bargaining bilang constitutional right kasama na ang mga kawani sa pampubliko at pribadong sector, magtatag ng union at samahan hangga’t walang nalalabag na batas.
Nakasaad din sa kautusan na mananatili sa talaan ng DOLE ang SBMA-ELA bilang lehitimong labor organization ng SBMA.
Nauna nang nagsumite ng petisyon ang SBMA sa pamamagitan ni Atty. Randy Escolango na humihiling ng kanselasyon ng certificate of registration ng SBMA-ELA na ibinigay sa DOLE at Civil Service Commission.
Base sa alegasyon ng SBMA na ang mga founding members ng SBMA-ELA ay mga contract of service lamang at wala aniyang “employer-employee relationship” sa SBMA.
Hindi rin umano sapat ang 87 kawani ang lumagda sa attendance sheet upang maiparehistro ang SBMA-ELA bilang organisasyon ng mga empleyado.
Giit naman ng nasabing samahan na marami sa kanilang hanay ang trabahador na sa SBMA simula pa noong 1993 bilang casual employees hanggang 1996 subalit inilipat sa Freeport Services Corporation (FSC) na isang SBMA subsidiary.
Nang magsarado ang FSC noong 2009 ay inilagay naman ang mga manggagawa sa pamamahala ng SBMA kung saan nangakong magiging regular employees ang mga ito subalit sa halip ay pinapirma bilang contract of service employees lamang ng ahensya.
- Latest