73-anyos ninakawan, inutas ng mag-lover
CAVITE, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng 73-anyos na lolo matapos itong saksakin at gilitan ng mag-lover ay pinagnakawan pa ng malaking halaga sa Barangay Ibayong Silangan sa bayan ng Naic, Cavite kamakalawa ng gabi.
Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, dakong alas-11:30 ng gabi nang matagpuan sa kanyang bahay ang duguang katawan ng biktimang si Romer Perez kung saan tinakluban pa ng unan ang mukha nito.
Pinaghahanap naman ng mga operatiba ng pulisya ang mag-lover na suspek na sina Ilene Alipio, 22, ng Porac, Pampanga; at Abdullah Lacongay.
Base sa ulat, namataan ang mga suspek na may bitbit na backpack na lumabas ng bahay ng biktima bandang alas-10:30 ng gabi kung saan nagmamadaling sumakay ng motorsiklo ang dalawa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na naging nobya ng biktima si Alipio kung saan nakilala nito sa Jyen KTV Bar sa Barangay Sabang sa bayan ng Porac. Ipinakilala naman ni Alipio sa biktima na si Lacongay ay kapatid niyang lalaki kaya isinama na sila sa bayan ng Naic.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nawawala ang tatlong cellphone ng biktima at hindi pa mabatid na halaga ng pera na pinaniniwalaang tinangay ng mag-lover.
- Latest