OFW binoga ng pulis-Caloocan
BULACAN, Philippines – Isa na namang pulis na lango sa alak na pagpapabagsak sa imahe ng kapulisan sa bansa ang nahaharap sa kasong administratibo at kriminal matapos nitong barilin at malubhang nasugatan ang isang overseas Filipino worker sa Barangay Loma De Gato, bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Pormal na kinasuhan ang suspek na si PO1 Mark Anthony Cabanting, 28, ng Caloocan City PNP at nakatira sa Metro Gate Heritage Subdivision sa nasabing barangay. Kasalukuyan nakikipaglaban kay kamatayan matapos tamaan ng bala ng baril sa ulo ang biktimang si Genaro Manalon, 40, ng Manalon Compound sa nasabing lugar.
Base sa police report, tinangkang awatin ng biktima ang kanyang pamangking si Roel at ang trike driver na si Josua Lee Salupas matapos sumiklab ang kaguluhan. Tinangka ring awatin ng biktima ang suspek na sinasabing lango sa alak sa pagpalo sa dalawang nagkakarambulan subalit binoga siya nito.
Bagama’t sugatan ay naagaw ng ilang residente ang baril ng suspek saka inaresto ni PO2 Jerome Fresnillo na rumesponde sa kaguluhan.
- Latest