Killer ng guro, kinilala na
BATANGAS, Philippines – Kinilala na ng Batangas Police Provincial Police Office ang isa sa tatlong suspek na pumatay sa isang head teacher sa bayan ng Rosario, Batangas noong Huwebes (Nov. 27).
Iprinesinta ni P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director ang carthographic sketch ng suspek na si Ronald Gonzales ng Barangay Cabay, bayan ng Tiaong, Quezon.
Si Gonzales ay positibong inilarawan ng testigo na boluntaryong pumunta sa Rosario PNP para magbigay ng sinumpaang salaysay.
Sa pulong balitaan sa Camp Miguel Malvar, ipinakita sa mga mamamahayag ang sketch ni Gonzales at isa pang hindi kilalang lalaki na kasabwat nito.
“Sa pamamagitan ng CCTV camera sa dinaanan ng mga suspek sa pagtakas, namukhaan ng ating saksi ang dalawa sa tatlo dahil walang suot na helmet o bonnet,” dagdag ni Fidel
Samantala, nagsampa na ng kasong murder ang Batangas PNP laban kay Gonzales at dalawa nitong kasabwat sa Batangas City Prosecutors Office noong Lunes.
Base sa tala ng pulisya, pinagbabaril at napatay ng mga suspek ang 48-anyos na head teacher na si Macario Perez habang ito ay nag-aabang ng masasakyan sa Barangay Poblacion A.
Kadadalo lang ni Perez sa seminar sa Rosario Central School kasama ang iba pang guro sa districts 1 at 2 sa Batangas nang maganap ang krimen.
Dinalaw naman ni DepEd Secretary Armin Luistro ang burol ni Perez noong Biyernes kung saan nagpahayag ito ng kondemnasyon sa karumal-dumal na insidente.
- Latest