2 tiklo sa bentahan ng NFA rice
BULACAN, Philippines – Aabot sa daang libong halaga ng saku-sakong bigas ng National Food Authority (NFA) na ibinebenta bilang commercial rice ang nadiskubre makaraang salakayin ng mga awtoridad ang isang bahay sa subdivision sa Brgy. Sta. Clara, bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng umaga.
Pansamantalang isinailalim sa tactical interrogation ng pulisya ang dalawang suspek na sina Raymond Gonzales, 30; at ang 17-anyos na tinedyer na sinasabing tauhan ng may-ari sa saku-sakong bigas na si Ian Paulo Chan na may tindahan sa Sta. Maria Public Market sa nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nadiskubre ang modus operandi ng mga suspek sa El Pueblo Subdivision kung saan ipinaabot naman ng ilang concerned citizens sa himpilan ng pulisya.
Kinumpirma naman ng kinatawan ng NFA-Bulacan na si Ronnie Fernandez Jr. na mula sa kanilang ahensya ang saku-sakong bigas subalit hindi malinaw kung saang sangay ng bodega ng NFA nagmula ang mga bigas na nadiskubre.
Nasamsam sa bahay na inuupahan ni Chan ang 52 sakong bigas ng NFA at 17-sakong bigas ibebenta bilang commercial rice.
Narekober din ang 100-basyong sako ng NFA sa bisinidad ng bahay na pinaniniwalaang naipakalat na sa mga pamilihang bayan sa Bulacan.
- Latest