2 dedo sa clan war; 400 pamilya nagsilikas
MANILA, Philippines – Dalawa katao ang nasawi makaraang muling sumiklab ang clan war o rido sa pagitan ng magkalabang angkan habang nasa 400 namang pamilya ang nagsilikas sa karahasan sa bayan ng Pikit, North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Nasrudin Tayuan at Pua Mangadta; pawang mula sa grupo ni Brgy. Langayen Chairman Norhan Hamid.
Sa ulat ng North Cotabato Police, nagsagupa ang grupo ni Hamid at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 105 Base Command sa pamumuno naman ni Commander Kuyo sa Brgy. Langayen, Pikit ng lalawigan bandang alas—8 ng umaga.
Agad na nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng armadong grupo ni Kuyo at Hamid sa nasabing pagpapanagpo.
Samantalang ang insidente ay nagbunsod rin sa paglikas ng nasa 400 pamilya mula sa Brgy. Kolambog at Tapodok sa takot na maipit sa bakbakan ng magkalabang angkan.
- Latest