Oxygen tank explosion: trader utas, 4 pa sugatan
MANILA, Philippines – Nagkagutaygutay ang katawan ng isang negosyante habang sugatan naman ang apat nitong empleyado makaraang sumabog ang tangke ng oxygen sa welding shop na pag-aari ng una sa Brgy. Baliwagan, Balamban, Cebu kamakalawa.
Sa ulat ng Cebu Police, kinilala ang nasawi na si Marquel Pilapil, anak ni Balamban Councilor Abel Pilapil.
Ayon sa pulisya, unang isinugod sa Balamban District Hospital ang mga sugatang sina Grace Capangpangan, kalihim ni Pilapil; Ranulfo Minoras, Nestor Pinili at si Angelo Babor pero dahilan sa maselan ng mga itong kalagayan ay inilipat sa pagamutan sa Cebu City.
Samantalang masuwerte namang nakaligtas at hindi nasugatan ang isa pang kasamahan ng mga ito na si Edwin Malinao.
Bandang alas-10 ng umaga ng maganap ang insidente sa bisinidad ng welding shop ni Pilapil sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon pinuputol ni Pinili ang ilang bahagi ng isang lumang truck crane habang nakamasid naman si Pilapil nang biglang sumingaw ang tangke na habang pilit isinasara ay biglang sumabog. Ang nasabing tangke ay dating acetylene tank na nilagyan lamang ng oxygen.
Narekober naman ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang ilang bahagi ng sumabog na tangke may 250 metro ang layo sa naturang welding shop.
- Latest