Coed kinatay ng akyat-bahay
MANILA, Philippines - Napatay ang 25-anyos na business administration student ng Silliman University matapos itong pagtulungang pagtatagain at saksakin ng mga di-kilalang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng Akyat-Bahay-Gang sa loob ng inuupahang bahay sa Barangay Poblacion, bayan ng Sibulan, Negros Oriental, ayon sa police report.
Tinadtad ng taga at saksak sa katawan ang biktimang si Myra Abrenica Gabato habang sugatan naman ang kanyang utol na si Melanie na iginapos at binusalan.
Nagawa namang makahulagpos ni Melanie sa pagkakagapos matapos umalis ang mga di-kilalang lalaki kaya naipaabot sa kanilang pamilya sa bayan ng Moalboal, Cebu ang naganap na krimen.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, bandang alas-3 ng madaling araw nang wasakin ang iron grills at pasukin ng akyat-bahay ang inuupahang bahay ng magkapatid na may ilang metro lamang ang layo mula sa presinto ng pulisya.
Hindi naman namukhaan ni Melanie ang mga kawatan dahil sa kawalan ng ilaw.
Kaagad namang ipinakalat ni P/Senior Inspector Antonio Detuya, hepe ng Sibulan PNP ang kanyang tauhan para tugisin ang mga suspek pero nabigo ang pulisya.
Gayon pa man, natagpuan sa loob ng multicab sa harapan ng Sibulan gymnasium ang t-shirt na may mga bahid ng dugo na nilabhan sa dagat kung saan hindi natagpuan ang patalim na ginamit sa krimen.
Sa ulat ng Scene of the Crime Operatives personnel na pinangunahan ni P/Chief Inspector Franco de Leon, hinalughog ng mga kawatan ang mga aparador kung saan naka-intact pa rin ang dalawang laptops maliban sa Galaxy Note cellphone na nawawala.
Hindi naman matiyak ng may-ari ng bahay na si Pamela Jansen kung gumagana ang CCTV cameras dahil sa kinuha niya ang data recorder matapos upahan ng mag-utol ang bahay noong Oktubre 26.
Kinumpirma naman ng ama ng mag-utol na inupahan nga ni Myra at kanyang fiancée na German national, ang bahay sa loob ng tatlong taon kung saan magpapakasal ang dalawa matapos maka-graduate sa nasabing unibersidad. Freeman News Service
- Latest