Misis ni CamNor guv sincere apology ang hanap
MANILA, Philippines – Diskumpyado ang takot na misis ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado sa ginawa niyang public apology nitong kamakalawa.
Ayon sa ulat ng dzMM, sinabi ng abogado ni Josefina Tallado na si Lorna Kapunan na hindi naniniwala ang kanyang kliyente sa paghingi ng paumanhin ng gobernador nitong Lunes sa flag ceremony ng lalawigan.
Hinala ng kampo ni Josefina ay isa lamang itong taktika ng gobernador para sa nalalapit na halalan sa 2016.
"Hindi pa namin naririnig ang personal apology niya sa wife... The wife is saying, is this another political manuever para bumango na naman ang image ni governor?" wika ng abogado.
Humingi ng paumanhin ang gobernador sa kanyang nasasakupan dahil sa kinasangkutang kontrobersya kung saan kumakalat sa internet ang umano'y pribadong larawan niya kasama ang umano'y kalaguyo.
Samantala, kinuwesityon din ng kampo ni Josefina ang pahayag ng abogado ng gobernador matapos ang public apology, kung saan pinabubulaanan ang kumakalat na malalaswang larawan.
"Kaya hindi ho nagpapakita sa ngayon si misis kasi now the threat on her life is renewed because he does not know where the governor stands," patuloy pa ni Kapunan sa kanyang panayam sa radyo.
"How can you ask for apology if there is no admission. What are you apologizing for?"
Handang maghintay si Josefina para sa public apology ng mister hanggang mawalan ng bisa ang barangay protection order sa Nobyembre 6, ngunit kung hindi ito mangyayari ay maghahain na sila ng kaso laban sa gobernador upang makakuha ng court protection order.
- Latest