469 fire trucks ipamamahagi sa mga lalawigan
MANILA, Philippines – Tiwala ang Bureau of Fire Protection na matutugunan na ang problema sa kakulangan ng fire trucks makaraan ang matagumpay na bidding para sa pagbili ng 469 yunit nito na ipapamahagi sa mga lalawigan.
Sa isinagawang open bidding ng ahensya noong nakalipas na linggo, nakapuntos ang joint venture ng LDLA Marketing at Wuhan Automobile Refitting Factory ng China sa kanilang bid na P2,325,990,000.00 para mag-supply ng fire trucks.
Ito’y mas mababa ng P250 milyon sa halagang nai-bid ng joint venture ng Kolonwel Trading at Hubei Jiangnan Special Automobile Factory.
Disqualified naman ang 3rd bidder na Adlib International Sales dahil sa kakulangan ng mga dokumentong naisumite.
Ayon kay F/Chief Supt. Rodrigo Abrazaldo, chairman ng BFP-Bids and Awards Committee isasailalim naman ang bid proposal ng LDLA-Wuhan sa post qualification bago ideklarang opisyal na makakuha ng supply contract.
Ang BFP ay may approved budget na P2,589,000,000 para sa 244 units na 1,000-gallon capacity at 225 units na 500-gallon capacity fire trucks na hindi dapat hihigit sa P6 milyon at P5 milyon ang bawat isa.
Dahil sa bid ng LDLA-Wuhan, makatipid ang gobyerno ng P263 milyon at ang pagbili ng mga bagong fire truck ay bahagi ng modernization program ng BFP.
- Latest