Basketbolista arestado sa baril at droga
CAMARINES NORTE, Philippines – Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang 35-anyos na basketbolista makaraang makuhanan ng mga ilegal na droga at baril bukod pa sa pagsagasa sa isang pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Purok 2 Brgy. Pamorangon, Daet, Camarines Norte, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nabatid na dakong alas -9:30 ng gabi, habang nagsasagawa ng checkpoint ang miyembro ng Daet PNP sa pamumuno ni P/Insp. Bryan Ramirez, isang motorsiklong may temporary plate no. 052408 na minamaneho ng suspek na nakilalang si Ariel “Kino” Quinoñes, na sa halip na huminto lalo pang pinaharurot ang motorsiklo.
Agad naman itong pinatitigil ni PO3 Mario Angelo Rojas subalit binangga ito ng suspek. Kapwa nabuwal sa kalsada sina PO3 Rojas at ang suspek dahilan para agad na arestuhin ang huli. Nagtamo naman ng sugat at galos si Rojas at agad na nilapatan ng lunas sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang umaabot sa 19 na sachet ng pinaghihinalaang shabu, isang cal. 9mm Taurus, 12 bala at shabu paraphernalias. Napag alaman sa isinagawang imbestigasyon na ang nasabing baril ay pag-aari ng isang nagngangalang JO2 Henry Maigue na nakatalaga sa BJMP District jail sa bayan ng Labo.
Ayon kay Maigue, ang kanyang service firearm ay kasama sa ninakaw sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng Labo noong buwan ng Hunyo, 2014.
Maliban sa kasong kakaharapin sa paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition regulation Act), nahaharap din sa kasong direct assault upon agent of person in authority ang suspek. (Francis Elevado)
- Latest