Task force binuo vs kinidnap na misis ng governor
MANILA, Philippines - Binuo na kahapon ng pulisya ang task force upang hanapin ang pinaniniwalaang kinidnap na misis ni Camarines Norte Gov. Edgar “Egay” Tallado at kasama nitong aide noong Biyernes ng hapon (Oct. 17).
Pinangunahan ni P/Senior Supt. Moises Pagaduan, acting PNP director ng Camarines Norte katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga miyembro ng Philippine Army ang binuong Task Force Josie.
Tututok ang nasabing task force sa kaso ng pagkawala ni Josefina “Josie” Tallado, 43, misis ni Gov. Egay; at ang kasama nitong aide na si Darleen Mitchell Francisco, 21, ng Barangay III sa bayan ng Vinzons.
Kahapon ng umaga sa press conference ay naging emosyonal si Gov. Egay sa pagkawala ng kaniyang misis at umapela sa publiko na magbigay ng impormasyon sa sinumang may nalalaman sa kinaroroonan ng kaniyang asawa.
Nabatid na noong Biyernes ng gabi ay hindi na umuwi ang misis ng gobernador na nagmaneho ng itim na Toyota Fortuner (PRI 744) kasama si Darleen patungo sa Barangay 2 sa bayan ng Vinzons.
Napag-alamang nakabakasyon ang driver ni Josefina dahil ang asawa nito ay naka-confine sa ospital kaya hindi naipagmaneho ang asawa ng gobernador.
Natagpuan naman noong Sabado ng gabi ang SUV na sinakyan ng mga biktima matapos abandonahin sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Napolidan sa bayan ng Lupi, Camarines Sur kung saan may palatandaang tinangkang sunugin ng mga di-kilalang grupo. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest