Sanggol, nasunog sa duyan
(Koronadal City, SOUTH COTABATO, Philippines) – Patuloy na ginagamot ngayon sa South Cotabato Provincial Hospital ang isang dalawang buwan na sanggol matapos na masunog habang natutulog sa duyan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Zone 4, Koronadal City, South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Quennie Pineda na nagtamo ng mga sugat at paso sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa salaysay ng kanyang ina na si Christy Pineda, sinabi nito na naghuhugas siya ng plato nang marinig na lamang ang lagabog mula sa itaas ng kanilang bahay at ng kanyang tingnan, nakita na lamang nito na nahulog na sa sahig ang sanggol na lapnos ang katawan at sunog ang duyan nito.
Hindi niya napansin na umakyat ang kanyang isang tatlong taong gulang na anak na pansamantalang iniwan nito sa hapag na kumakain habang gumagawa naman siya ng gawaing bahay.
Nagulat na lamang siya na umiiyak na sa sakit ang sanggol na naabutan nitong sunog ang balat sa kanyang noo, dibdib at mga kamay habang nasa gilid nito ang kanyang 3 taong gulang na kapatid.
Posible umano na ang kapatid din ng biktima ang aksidenteng nakasunog ng duyan nito na hindi man lamang nakita ng kanyang ina. (Rhoderick Beñez)
- Latest