Misis natakot sa dengue, nag-suicide
MANILA, Philippines – Dahil umano sa matinding takot sa nakamamatay na sakit na dengue, isang 31-anyos na misis ang nag-suicide matapos magbigti sa puno ng kawayan sa Brgy. Balintawak, Escalante City, Negros Occidental kamakalawa.
Lawit ang dila at nangingitim ang mukha nang madiskubre ang pagpapakamatay ng biktimang si Louena Panagini, residente sa nasabing lugar.
Sa ulat ng Escalante City Police, dakong alas-5 ng umaga nang matuklasan ang nakabigting bangkay ng biktima na nakatali ng sweat-shirt sa leeg sa puno ng kawayan.
Ayon sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Bebeth Mahusay, bago ang insidente ay sinabi ng ginang na natatakot siya dahil naghihinala umano itong dengue ang kanyang sakit matapos ang ilang araw na lagnat at pamamantal ng katawan.
Gayunman, nang magpa-check-up umano ang nasabing misis sa doktor ay sinabing may allergy ang ginang bagay na hindi nito pinaniwalaan at iginiit na dengue ang kanyang sakit kung saan nagkulong na ito sa kanyang silid.
Isang suicide note rin ang narekober ng mga awtoridad sa tabi ng bangkay ng biktima na nagsasaad ng pamamaalam at pagsasabing winakasan niya ang kanyang buhay dahil baka umano mahawa pa ang kanyang pamilya sa sakit na dengue.
- Latest