P8M smuggled na bigas nasamsam
MANILA, Philippines - Umaabot sa P8M halaga ng smuggled na bigas ang nasamsam ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa isinagawang operasyon sa pier ng Margosatubig, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Ayon kay Capt. Franco Salvador Suelto, Spokesman ng Army’s 1st Infantry Division dakong alas-5:30 ng hapon ng masabat ang apat na 10-wheeler truck na naglalaman ng mga smuggled na bigas mula sa barkong M/L Amesia.
Bago ito, ayon kay Suelto, ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa ibabagsak na bultu-bultong mga bigas sa nasabing pantalan kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon.
Sinabi ni Suelto na ang kapitan ng barko ay nakilala namang si Jade Jackaria na walang maipakitang dokumento para patunayang legal ang pagbibiyahe ng nasabing mga kargamento.
Agad namang kinumpiska ng security forces mula sa Margosatubig Police at Army’s 53rd Infantry Battalion ang saku-sakong bigas na umaabot sa 7,689 ang bilang na ang bawat isa ay naglalaman ng 25 kilo o kabuuang P8M.
Nabatid na ang consignee ng naturang mga smuggled na bigas ay isang sa alyas Kenneth pero hindi ito natagpuan.
Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad sa kasong ito. Joy Cantos
- Latest