2 NPA rebels patay sa encounter
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang matapos makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa kabundukan ng Brgy. Hinapuyan, Carmen, Surigao del Sur nitong Biyernes.
Ayon kay Captain Christian Uy, Spokesman ng Army’s 4th Infantry Division, dakong alas-9:15 ng umaga ng masabat ng mga tauhan ng Army’s 36th Infantry Battalion (IB)ang grupo ng mga armadong rebelde sa nasabing lugar.
Bago ito ay nakatanggap ng report ang tropa ni 36th IB Commander Lt. Col. Anastacio Suaybaguio hinggil sa pangingikil ng revolutionary tax ng mga miyembro ng NPA Guerilla Front 30 ng North Eastern Mindanao na aktibong kumikilos sa mga bayan ng Carmen, Madrid at Cantilan; pawang sa Surigao del Sur.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng mahigit 10 minuto na ikinasawi ng dalawang rebelde na kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan. Wala namang naiulat na nasawi at nasugatan sa panig ng militar sa naturang bakbakan.
Narekober sa lugar ang isang AK-47 rifle at isang M16 rifle na gamit ng mga nasawing rebelde, mga personal na kagamitan, mga bala at mga subersibong dokumento. (Joy Cantos)
- Latest