Mag-utol na pumatay sa doctor, tiklo
CAVITE, Philippines – Kalaboso ang mag-utol na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang doctor makaraang masakote sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Barangay Tanauan, bayan ng Tanza, Cavite kamakalawa.
Sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Lerio C. Castigador ng Naic Regional Trial Court Branch 15 sa Cavite, inaresto ang mga suspek na sina Ricky Santiago at Michael Santiago na kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Sa tala ng pulisya, ang mag-utol ay mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Dr. Rolando Custodio kung saan inabandona sa kanyang Starex van noong Hulyo 28, 2014.
Sa masusing pagsisiyasat, lumilitaw na pinaghinalaan ng mag-utol na si Dr. Custodio ang pumatay sa kanilang utol na si Mark Anthony Santiago dahil ito ang pinakahuling kasama ni Mark nang mawala at kasalukuyang hindi pa nakikita.
Narekober sa mga suspek ang cal. 45 pistol, mga bala, kotse, at motorsiklo na pinaniniwalang ginamit ng magkapatid sa pagpatay sa nasabing doktor.
- Latest