SUV vs trike: 6 patay, 3 pa sugatan
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Anim katao kabilang ang apat na estudyante ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan makaraang suwagin ng isang rumaragasang SUV ang kasalubong nitong tricycle sa national highway ng Barangay Larion Bajo, Tuguegarao City nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Supt. Julius Ordonio, hepe ng Tuguegarao City Police, dead-on-the-spot ang driver ng tricycle na si James Calimag, 25-anyos.
Samantala, pawang dead-on-arrival naman sa People Emergency Hospital at Cagayan Valley Medical Center ang mga pasaherong estudyante na sina Annie Pagalilauan, 19; Reyniemar Marribay, 19, Jenmar Soriano, 26; Diamond Nicole Talang, 22; at ang vendor na si Loreta Perciano, 49-taong gulang.
Nakikipagbuno naman kay kamatayan ang dalawa pang estudyanteng sina Jezrill Como, 21; at Jeozo Tumanguil,18.
Ang isa pang sugatan ay ang driver ng Mitsubishi Montero SUV na si Resty Pillos, 34-anyos, negosyante, ng Barangay Caritan Centro ng lungsod na ito.
Lumalabas sa imbestigasyon na nang-agaw ng linya ng tricycle ang negosyante nang tinangka nitong mag-overtake sa isa pang sinusundang sasakyan na siyang nagbunsod sa malagim na trahedya.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ng ilang metro at nagpagulung-gulong pa ang tricycle na ikinasawi at ikinasugat ng mga sakay nito.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang driver ng SUV.
- Latest