Mag-utol na paslit, hinalay at pinatay
MANILA, Philippines – Karumal-dumal ang sinapit ng magkapatid na paslit na sinasabing hinalay saka pinatay ng adik at natagpuang lumulutang sa ilog sa Brgy. Mandali, Mobo Masbate.
Kamakalawa lamang ng kilalanin ng kanilang mga magulang ang mga biktimang sina Rosemarie Raga, 8, grade 1 pupil at ang nakababatang kapatid na sina Rose Ann Raga, 5, kapwa residente ng Purok Acacia, Brgy Umabay Interior, Mobo Masbate.
Batay sa isinagawang post mortem examination ni Dr. Sheri R. Geñoso, medico legal officer lumalabas na pinalo ng matigas na bagay sa ulo ang mga biktima at umano’y may malaking posibilidad na ginahasa pa ang mga ito bago ito pinaslang saka itinapon sa ilog ng Mobo.
Nauna nang natagpuang nakalutang sa tabi ng ilog ang bangkay ng mga bata na noong una ay inakala lamang nalunod.
Maging ang mga opisyal ng barangay kung saan natagpuan ang magkapatid at maging ang mga residente rito ay hindi kilala ang dalawang bata kaya kaagad nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga katabing barangay para sa pagkakakilanlan ng mga biktima.
Hanggang sa isang misis ang nagtungo sa himpilan ng pulisya kasama ang mga kamag-anak kung saan iniulat ang pagkawala ng dalawa niyang anak. Nang tunguhin ang barangay, ay doon positibong kinilala ang mga biktima.
Malaki ang paniniwala ng kamag-anakan ng biktima na kagagawan ng mga suspek na lango sa droga ang karumaldumal na krimen.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at ang pagkilala sa mga suspect.
- Latest