2 sundalo binihag ng NPA
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Army’s 4th Infantry Division na binihag ng mga rebeldeng New People’s Army ang dalawang sundalong napaulat na nawawala noong Biyernes ng hapon (Agosto 22) sa bisinidad ng Tagaloan River, bayan ng Impasugong, Bukidnon.
Sa panayam kay Captain Christian Uy, spokesman ng Army’s 4rth Infantry Division, kinilala ang mga bihag na sina Pfc. Jerrel Yorong at Pfc. Mamel Cinches na kapwa miyembro ng Community Organizing for Peace and Development team ng Army’s 8th Infantry Battalion.
Noong Miyerkules ng gabi ay inihayag ni Allan Juanito, spokesman ng NPA Central Mindanao Command na bihag nila at isasalang sa kangaroo court ang dalawang sundalo dahil sa utang na dugo sa bayan.
Ayon kay Uy, hindi agad nila nakumpirma ang pagkakabihag sa dalawang sundalo dahil inakala ng mga kasamahan na nawawala lamang ang mga ito at maaari rin aniyang may pinuntahang lugar.
Nabatid na ang dalawang sundalo ay lulan ng habal-habal patungo sa Brgy. Bontongon nang harangin at bihagin ng mga armadong rebelde.
Samantala, iginapos ng mga rebelde ang driver ng habal-habal na sinakyan ng dalawa pero pinalaya makalipas ang ilang oras kung saan sa matinding takot ay hindi naman agad ini-report ang insidente.
- Latest