Brodkaster binoga, kritikal
MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang 55-anyos na radio station manager/brodkaster ng DWIZ radio makaraang barilin ng di-kilalang salarin habang nakikipag-usap sa kanyang kumpare sa Dagupan City, Pangasinan noong Martes ng madaling araw.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Christopher Abrahano, Dagupan City police chief ang biktima na si Orly Navarro na nagtamo ng isang tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
“As of now hindi pa natin ma-establish ‘yung baril na ginamit nakabaon pa ang bala sa kaniyang likod, he needs to undergo surgery, walang na-recover na empty shells sa crime scene as of now undergoing pa ‘yung investigation,” pahayag ni Abrahano.
Bandang alauna ng madaling araw nang barilin si Navarro sa Crossing ng Kalye 29 at Nable Street sa Barangay Pantal West.
Nabatid na pauwi ang biktima nang makita nito ang kaniyang kumpare kaya nakipag-usap muna kung saan ilang minuto ang nakalipas ay sumulpot ang gunman at binaril ito habang nakatalikod.
Mabilis namang tumakas ang gunman patungo sa direksyon ng Kalye 29 habang sinisilip naman ng pulisya ang walang puknat na pagbanat ng biktima sa operasyon ng illegal na droga sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, tatlong person of interest ang inimbitahan sa himpilan ng pulisya upang mabigyang linaw ang pamamaril.
- Latest