Anak ng negosyante, kinidnap
MANILA, Philippines - Dinukot ang anak na batang babae ng negosyante ng mga armadong kalalakihan sa naganap na insidente sa Barangay Poblacion, bayan ng Oluntanga, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Captain Salvador Suelto, spokesman ng Army’s 1st Infantry Division ang biktima na si Princess Jewel Mariel Nique, 9, anak ng negosyanteng si James Nique Jr.
Naganap ang insidente dakong alas-4:20 ng hapon sa pag-aaring snack bar ng mga magulang ng biktima na may ilang metro ang layo sa dalampasigan.
Napag-alamang tatlo sa mga kidnaper ang pumasok sa establisyemento ng pamilya Nigue at sinunggaban ang bata habang dalawa pa sa mga suspek ay naghihintay naman sa bangka na ginamit na getaway ng mga kidnaper.
Wala namang nagawa ang mga waiter at waitress sa nasabing bar sa matinding takot sa mga kidnaper.
Sa pahayag ng ilang nakasaksi sa krimen, ang mga suspek ay mabilis na tumakas lulan ng bangka na namataang tumahak sa kanlurang direksyon ng Barangay Taguisan sa bayan ng Mabuhay. Sa inisyal na impormasyong nakalap ng pulisya, sinabi ni Suelto na ang mga kidnaper ay residente sa Brgy. Taguisan na inaalam pa ang grupong kinaaniban.
- Latest