Abu Sayyaf kumander patay sa Basilan
MANILA, Philippines – Limang katao ang nasawi, kabilang ang isang hinihinalang kumander ng bandidong grupong Abu Sayyaf, habang pito ang sugatan sa engkwentro nila ng mga civilian volunteers kahapon sa Ungkaya Pukan, Basilan.
Kinilala ni Armed Forces' Western Mindanao Command spokesperson Capt. Maria Rowena Muyuela ang kumander na si Sulaiman Ajanti alyas Ulay.
Dalawa pang kasamahan ni Ajanti ang nasawi, habang dalawa rin sa hanay ng Citizen Armed Forces Geographical Unit sa engkwentrong nagsimula bandang ala-1 ng hapon sa Barangay Sungkayot.
Si Ajanti ang nasa likod ng pandurukot sa isang Amerikanong si Gerfa Yeatts Lunsman at anak niyang si Kevin Eric noong Hulyo 12, 2012.
Ang kumander din ng bandidong grupo ang itinuturong nasa likod ng pandurukot sa isang social worker nitong nakaraang taon sa bayan ng Sumisip, Basilan.
Patuloy pa rin ang pagtugis ng mga sundalo sa iba pang kasamahan ni Ajanti.
- Latest