Maguindanao planning officer itinumba
MANILA, Philippines - Patay ang provincial planning officer ng Maguindanao makaraan itong pagbabarilin ng motorcycle riding-in-tandem habang hinihintay ang kanyang anak na sinusundo nito sa eskuwela sa lungsod ng Cotabato kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Sr. Supt. Rollen Balquin, hepe ng Cotabato City ang nasawing biktima na si Sadat Pandalat, 48-anyos.
Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinasawi.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Balquin na kadarating lamang ng biktima sa labas ng eskuwelahan na ipinarada ang kaniyang sasakyan habang hinihintay ang anak sa parking area ng maganap ang insidente sa Datu Odin Sinsuat Avenue ng lungsod dakong alas-4:10 ng hapon.
Bigla na lamang umanong sumulpot ang riding-in-tandem na mga salarin at pagtapat sa biktima ay agad itong pinagbabaril ng sunud-sunod hanggang sa duguang bumulagta.
Ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng naganap na krimen.
- Latest