OFW natusta sa kuryente
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - – Nakikipaglaban kay kamatayan ang 48-anyos na overseas Filipino worker matapos mahawakan nito ang linya ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) habang kinukumpuni ang bubungan ng kanyang bahay sa Barangay Sevilla, San Fernando City, La Union kamakalawa. Kasalukuyang nasa Ilocos Training and Regional Medical Center ang biktimang si Arturo Bulislis dahil sa tinamong lapnos sa buong katawan. Sa pahayag ni NGCP spokesperson Lilibeth Gaydowen, ipinagbabawal ang pagtatayo ng bahay o anumang straktura malapit sa tower ng linya ng NGCP. Napag-alamang ikinagulat ni Gaydowen kung bakit nasa nasabing lugar ang biktima gayong wala pa ang kanyang bahay nitong huli nilang inspeksiyon. Gayon pa man, nakahandang magpaabot ng tulong ang NGCP sa pagpapagamot ng biktima. Raymund Catindig
- Latest