13 volcanic quakes naitala sa Mt. Bulusan
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa publiko na panatilihin ang 4-km permanent danger zone ng bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos magtala ng 13 volcanic earthquakes sa tuktok nito.
Sa advisory na ipinalabas ng Phivolcs kahapon, sa loob ng 24 na oras na pag-obserba sa galaw ng bulkan, 13 pagyanig ang naitala. Natukoy din ang bahagyang pagpintog sa bulkan na indikasyon ng maaaring bumuga ito.
Dagdag ng kagawaran, bagama’t nasa alert level 0 ang bulkan, pinaalalahanan ang local na pamahalaan at publiko ang mahigpit na pagbabawal na huwag pumasok sa itinalagang 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa posiblidad ng biglaang paglabas ng mapanganib na singaw dulot ng pagsabog.
Maging ang civil aviation authorities ay pinaalalahanan ng kagawaran na abisuhan ang kanilang piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa mga lumalabas na materyales mula sa biglaang pagsabog na mapanganib sa kanilang eroplano
Pinayuhan din nito ang mga taong naninirahan malapit o sa paligid ng bulkan, tabi ng sapa na maging vigilante laban sa mga bumabagsak na lahar sa sandaling bumuhos ang ulan.
- Latest