10 tiklo sa illegal fishing
CEBU , Philippines - Kalaboso ang sampung kalalakihan makaraang arestuhin ng mga awtoridad sa kasong illegal fishing sa karagatang sakop ng Bantayan Island, Cebu noong Huwebes ng umaga (Hulyo 10). Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek na sina Nelson Bawasanta, 36, boat captain; Ricky Forrosuelo, 40; Rodulfo Pacilan, 35; Arnel Abiner, 22; Joven Aguisanda, 31; Ariel Tiguelo, 19; Rolando Deliosa, 22; Julian Etan, 23; Danilo Andic, 19; at si Ramel Tiquelo, 20, pawang nakatira sa Sagay City, Negros Occidental.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek na lulan ng F/B Tristian Mar na sinasabing pag-aari ni Merly Awits ay naaktuhang nangingisda sa nasabing karagatan.
Sa pahayag ni P/Senor Insp. Jayme Santillan ng Bantayan PNP, pinapayagan namang mangisda ang grupo sa karagatang sakop ng Negros at Masbate pero ipinagbabawal sa karagatan ng Bantayan.
Narekober ng grupo nina PO1 Jay Desucatan ng Bureau of Fisheries at Marlon Marande ng Department of Agriculture ang 30 tubs na naglalaman ng iba’t ibang uri ng isda.
Ipinamahagi naman ang mga isdang nasamsam sa charitable institutions.
Nahaharap naman ang mga mangingisda sa kasong paglabag sa Republic Act 8550 (Philippine Fisheries Code of 1998).
- Latest