2 karnaper utas sa asintadong pulis
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng notoryus na carnapping gang ang napaslang matapos na makipagpalitan ng putok sa asintadong pulis na inagawan ng motorsiklo sa naganap na shootout sa Dasmariñas City, Cavite kahapon ng tanghali.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Carlos Barde, hepe ng Dasmariñas City PNP, kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na karnaper dahil walang nakuhang identification card.
Bandang alas-12:15 ng tanghali nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Governor’s Drive sa Sitio Piela, Barangay Sampaloc III.
Nabatid na pansamantalang ipinaparada ni PO2 Francis Hernandez ng Investigation Division ng Dasmariñas City PNP ang kaniyang itim na motorsiklo para magpatila ng ulan sa harap ng tindahan nang lapitan ng dalawang karnaper at tutukan ng cal. 38 na baril.
Agad umanong inagaw ng isa sa karnaper ang susi ng nakasibilyang si PO2 Hernandez na binalewala ang pagpapakilala nitong pulis kung saan binaril ang nasabing alagad ng batas sa distansyang 50-metro ang layo.
Gayon pa man, sumablay ang pamamaril laban kay Hernandez na agad namang gumanti ng putok sa dalawang karnaper na kapwa bumulagta.
Sinabi ni Barde na si Hernandez ay asintado sa paghawak ng baril kaugnay ng isinagawang markmanship training ng Dasmariñas City PNP kada buwan kung saan ay hindi sumasablay sa target ang nasabing pulis. Joy Cantos at Cristina Timbang
- Latest