6 DENR surveyors kinidnap
MANILA, Philippines - Anim na surveyors ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dinukot ng mga armadong kalalakihan sa kabundukan ng Barangay New Leyte sa bayan ng Maco, Compostela Valley kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Kendrik Wong, Nico Lasaca, Chris Favila, Matthew Cua, Jonas Loredo at si Tim Sabina.
Sa ulat ni Captain Alberto Caber, spokesman ng AFP regional command, naganap ang pagdukot sa liblib at bulubunduking bahagi ng nasabing lugar dakong alas -2 ng hapon.
Nabatid na ang mga biktima ay sub-contractors ng DENR Manila ay nag-iinspeksyon sa National Greening Program ng lokal na pamahalaan nang harangin at dukutin ng mga armadong lalaki.
Sa kasalukuyan, ayon kay Caber ay tinutugis na ng tropa ng Army’s 1001st Infantry Brigade katuwang ang PNP ang mga kidnaper.
Samantala, inatasan na rin ni Lt. Gen. Ricardo Rainier Cruz ang lahat ng military unit commander na makipagtulungan sa lokal na mga opisyal, DENR at PNP para mailigtas ang mga biktima.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Army’s 10th Infantry Division spokesman Captain Ernest Carolina na hindi nila inaalis ang posibilidad na may kinalaman ang mga rebeldeng New People’s Army sa kidnapping bagaman patuloy pa itong iniimbestigahan.
Bumuo na rin ng Crisis Management Committee sa pamumuno ng alkalde ng Maco para sa ligtas na pagpapalaya sa mga binihag na DENR surveyors.
- Latest