Kampo ng Army inatake ng BIFF
MAGUINDANAO , Philippines - Muling umatake ang grupo ng BangsaÂmoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa detachment ng militar sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao kamakawala.
Unang inatake ng mga bandido ang detachment ng 45th Infantry Battalion ng 1st Mechanized Infantry Brigade sa Barangay Meta, bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao na sinundan ng pagpasabog sa lumang provincial capitol compound sa bayan ng Shariff Aguak.
Ang old capitol ay ginagamit ng 1st Mechanized Infantry Brigade para sa 40-armored personnel carriers.
Ayon kay Colonel Edgar Gonzales ng 1st Mechanized Brigade, tatlong sundalo ang nasugatan matapos ratratin ng BIFF ang convoy ng mga sundalo na reresponde sana sa hinaras na detachment ng militar sa nasabing bayan.
Pansamantalang isinara ang ilang bahagi sa Maguindanao patungong bayan ng Isulan, Sultan Kudarat upang maiwasan ng mga motorista na madamay sa engkuwentro.
Agad nagpadala ng dagdag ng puwersa ang Maguindanao Provincial Police Office at 6th Infantry Battalion ng Philippine Army kung saan nagpatupad na ng mahigpit na seguridad sa kahabaan ng Cotabato-Isulan Highway para sa mga motorist.
Pinayuhan naman ang publiko na iwasan ang bumiyahe sa gabi upang maiwasan na madamay sa posibleng pagsiklab ng bakbakan.
- Latest