Sulu death toll: 25 Sayyaf patay, 45 sugatan
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 25 kasapi ng Abu Sayyaf Group at isang sundalo ng Philippine Marines ang napaslang habang 45 naman ang nasugatan kabilang ang kumander ng mga bandido sa patuloy na umaatikabong bakbakan sa kagubatan ng Patikul, Sulu, ayon sa opisyal kahapon.
Sa phone interview, kinumpirma ni Brig. Gen. Martin Pinto, commander ng 2nd Marine Brigade at Joint Task Force Sulu, kabilang sa mga nasugatan sa Abu Sayyaf ay si Commander Yasser Igasan.
Gayon pa man, walang namataang hostages na kasama ang Abu Sayyaf habang nagaganap ang bakbakan.
Sa rekord ng militar, si Igasan ang humalili sa daÂting lider ng Abu Sayyaf na si Khadaffy Janjalani na napaslang noong 2006 sa opeÂrasyon ng Philippine Marines sa bayan din ng Patikul.
Sa 25 napatay na bandido ay 20 ang nakilala ng militar habang nagtamo rin ang mga kalaban ng 24 sugatan, 16 dito ang natukoy na ang pagkakakilanlan.
Sa panig ng militar , isang enlisted personnel ng Philippine Marines ang napatay habang 21 namang sundalo ang nasugatan, ilan sa mga ito ay inilipad na ng helicopter patungong Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.
Ang bakbakan ay nag-ugat matapos na makubkob ng tropa ng Philippine Marines ang malaking kampo na nagsisilbing sanayan ng Abu Sayyaf sa Sitio Kanjimao, Brgy. Buhanginan, Patikul, Sulu noong Martes ng umaga.
Bandang alas-4 naman ng hapon nang tangkaing bawiin ng mga bandido ang kanilang kampo na humantong sa bakbakan kung saan aabot sa 300 rebelde ang nakasagupa ng mga sundalo matapos na mag-reinforce ang kanilang mga kasamahan mula naman sa mga bayan ng Indanan at Talipao.
- Latest