Jail warden utas sa ambush
MANILA, Philippines - Bulagta ang 48-anyos na jail warden habang sugatan naman ang kasamahan nito makaraang pagbabarilin ng tatlong maskaradong kalalakihan na lulan ng motorsiklo sa naganap na ambush sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Martin Gamba, spokesman ng Caraga PNP ang biktima na si Jail Insp. Danilo Uy ng Lianga District kung saan ito idineklarang patay sa Lianga District Hospital.
Patuloy namang ginagamot sa nasabing pagamutan ang kasamahan nitong si Jail Officer 1 Jonas Telin, 32, ng Tago, Surigao del Sur.
Lumilitaw na magkaangkas sa motorsiklo ang dalawa nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa kahabaan ng Purok 1, Jail Site Street dakong alas-10:20 ng umaga.
Nabatid na magkaangkas sa motorsiklo at kagagaÂling lamang nina Uy at Telin sa municipal hall ng Lianga nang sundan at pagbabarilin ng mga armadong lalaki na magkakaangkas din sa motorsiklo.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy ang imbestigasyon.
- Latest