Chief of staff ng bokal, itinumba
BULACAN , Philippines — Biglang inagaw ni kamatayan ang buhay ng 40-anyos na chief of staff ng isang board member makaraang pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa naganap na panaÂnambang sa Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga. Pitong bala ng cal. 45 pistol ang tumapos sa buhay ni Edwin Inocencio ng Barangay San Sebastian sa bayan ng Hagonoy at chief of staff ni Senior Board member Michael Fermin ng 1st distrito sa Bulacan. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng van ang biktima patungo sana sa bahay ni Fermin sa Northfields Subdivision sa Barangay Longos nang harangin at ratratin ng riding-in-tandem bandang alas-8 ng umaga kahapon. Lumilitaw na papasok sa gate ng nasabing subdivision ang van ng biktima nang maganap ang pananambang. Ilan naman ang nagsabi sa pulisya na isa sa dalawang gunmen ang lumapit pa sa biktima saka muling pinaputukan para matiyak na patay na ito. Kaugnay nito, sinisilip ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang naganap na pamamaslang matapos ihayag ni Fermin na kakandidato ito sa 2016 bilang kongresista.
- Latest