4 katao patay sa karne ng kabayo
SULTAN KUDARAT, Philippines - – Apat-katao ang binawian ng buhay habang marami pang iba ang nagkasakit makaraang kumain ng mga namatay na kabayo sa Sitio Pareño, Barangay Tinalon, bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Gil Batilo, daÂting municipal councilor sa nasabing bayan, sunud-sunod na namatay ang apat na biktima mula pa noong nakaraang linggo.
Kinilala ang mga ito na sina Junie Octavio, Reynaldo Gabawa, Federico Abogadil, at si Boy Apala, habang nakaligtas naman si Kagawad Rufino Belmonte na sinasabing mga nakakain ng bituka at karne ng mga kinatay na kabayo.
Naniniwala ang mga residente na may magsasakang nag-spray ng kemikal sa kanyang palayan kung saan napunta sa sapa ang kemikal na lason na nainum naman ng mga namatay na kabayo.
Lumilitaw na apat na kabayo ang namatay at kinatay ng mga residente kung saan ginawang pulutan ang bituka nito.
Tatlong pusa rin ang namataang patay sa nasabing lugar na pinaniniwalaang kumain ng mga natirang karne ng kabayo.
May mga residente na ring nakaramdam ngayon ng pananakit ng ulo at pagsusuka matapos makakain ng karne ng kabayo.
Nananawagan naman ang dating opisyal sa mga residenteng nakakain at nakabili ng karne ng kabayong nalason na magpatingin sa doktor o kaya magtungo sa Rural Health Unit upang magamot at hindi na lumala ang karamdaman.
- Latest