P.1-M alok ni Mayor Duterte sa missing pakete ng cocaine
MANILA, Philippines - Nag-alok kahapon si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ng P.1 milyong pabuya kada isa sa 13 pang pakete ng nawawalang cocaine na hinahanap ng mga anti-drug operatives.
Sa radio interview, sinabi ni Duterte na hindi nila kakasuhan ang sinumang magbabalik ng illegal na droga na naipuslit ng sindikato ng international drug syndicates.
Ayon kay Duterte handang ipagkaloob ng pamahalaang lungsod ang pabuya sa sinumang makapagtuturo at makapagsusurender ng 13-pang nawawalang pakete ng cocaine.
Sa impormasyong tinanggap ni Duterte mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 11, aabot sa 65-pakete ng cocaine ang nailusot ng sindikato sa Davao City pero tanging 51 pakete lamang ang narekober.
Noong Sabado ng gabi ay nasabat ng PDEA Region 11 operatives at ng Davao City PNP ang 24 pakete ng cocaine na inilagay sa container van sa Barangay Tibungco.
Nang sumunod na araw ay sumunod namang nasamsam ang 27-pang pakete ng droga sa container yard sa nasabi ring lugar.
Aabot sa P300 milyong halaga ng cocaine ang nasamsam ng mga awtoridad kung saan bumuo na ng task force si Durerte upang imbestigahan at arestuhin ang kontak na lokal ng sindikato ng droga.
- Latest