Pulis-Lipa kalaboso sa panghahalay
BATANGAS , Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng bagitong pulis matapos gahasain ang 27-anyos na lady inmate sa himpilan ng pulisya sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng madaling araw.
Pormal na kinasuhan sa Prosecutors Office ang suspek na si PO2 Macario Dimaculangan Solis, 34, ng Barangay Latag, Lipa City.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director, dumulog sa pulisya ang ina ng lady inmate para ireklamo si PO2 Solis.
Nabatid na ang biktima ay nakulong sa himpilan ng pulisya makaraang maaresto noong Enero 30 sa kasong illegal possession of dangerous drugs.
Ayon pa sa ulat, naipaabot ng biktima sa kanyang ina ang insidente matapos itong makatawag sa telepono sa kanyang ina kung saan pinasok siya ni PO2 Solis sa selda saka isinagawa ang maitim na balak bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Sa panig ni P/ Supt. Jacinto Malinao, hepe ng Lipa City PNP, nag-iisa lang sa selda ang biktima nang maganap ang panghahalay.
Tumanggi namang magsalita si PO2 Solis nang kausapin sa opisina ng kanyang opisyal.
- Latest