Bus operator pumalag sa holdaper, utas
BULACAN, Philippines – Patay ang isang bus operator matapos na pagbabarilin ng pumalag sa tatlong armadong holdaper sa naganap na P.1 M robbery/holdup sa garahe ng mga pampasahero nitong bus sa Brgy. Catmon, Sta Maria, Bulacan kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Mel Franciso, 38 anyos ng Brgy. San Jose Patag sa bayang ito, may-ari ng Christ the King Transport Bus at Malanday Metrolink Bus na bumibiyahe sa Metro Manila.
Base sa imbestigasyon ni SPO1 Jerico Faigmane, dakong alas-5:30 ng umaga ng mangyari ang insidente sa terminal ng isa sa mga bus company ng biktima sa Brgy. Catmon sa bayang ito.
Inutusan ng negosyante ang kanilang bus dispatcher na si Merlito Mascardo, 41 anyos na dalhin ang kanilang mga bus sa gasolinahan upang magkarga ng diesel kasabay ng pag-remit ng isang araw na kita ng mga bus na nasa P20,000.00.
Kasalukuyang iniaabot ni Mascardo sa biktima na nooy sakay ng Honda Civic (NRQ 736) ng biglang sumulpot ang mga armadong holdaper na agad nagdeklara ng holdap sabay tutok ng cal.45 pistol sa biktima.
Nanlaban naman ang biktima bunsod upang pukpukin ito ng baril sa ulo saka pagbabarilin ng dalawang beses na siyang kumitil sa buhay nito. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang kasong ito.
- Latest
- Trending