MANILA, Philippines - Umiskor ang mga awtoridad matapos masakote ang isang big time Chinese drug dealer at helper nito kasunod ng pagkakasamsam ng 36.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P182-M sa isinagawang drug bust operation sa Mexico, Pampanga nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni Sr. Supt. Oscar Albayalde, Provincial Police Office Director ng Pampanga Police, kinilala ang nasakoteng suspek na si Ding Wenkun, 30 anyos, tubong China at helper nito na si Roel Cabag.
Bandang alas-5 ng hapon ng salakayin ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office ang Lakeshore, isang eksklusibong subdibisyon sa bayang ito na tinutuluyan ng suspek.
Ayon sa opisyal, bago ito ay nakatanggap ng tip ang mga operatiba ng Mexico Police hinggil sa illegal na pagbebenta ng nasabing Chinese ng droga.
Agad nagsagawa ng opeÂrasyon ang Provincial Task Force on Illegal Drugs sa pamumuno ni Supt. Louie Baloyo at ang PDEA Region 3 na nagresulta sa pagkakasamsam ng 16.5 kilo ng shabu na nakatago sa suitcase ni Wenkun .
Samantalang karagdagan pang 20 kilo ang nakuha naman sa paghahalughog sa tahanan nito sa nasabing lugar. Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na ang nasabing Chinese ay pumasok sa Pilipinas noong Oktubre 29 ng taong ito.
Kasalukuyan ng humihimas ng rehas na bakal sa detention cell ng Pampanga Police ang mga nasakoteng suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000.