Bus na sinasakyan ng Yolanda survivors naaksidente: 5 patay
MANILA, Philippines - Lima katao ang kumpirmadong nasawi habang marami pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus, isa rito ay sinasakyan ng mga survivors ng bagyong Yolanda sa naganap na sakuna sa bayan ng del Gallego, Camarines Sur nitong Sabado ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Police Regional Office (PRO) V, naganap ang banggaan ng Raymund bus na patungong Bicol at ng JMC Tour Bus na may sakay na mga survivors ng bagyo sa bahagi ng Andaya highway, Brgy Cumadaycaday, del Gallego ng lalawigan dakong alas-3 ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Flordeliza Bronoso, 40 anyos at Paolo Bronoso, 12; pawang ng Balagtas, Bulacan; Araceli Manaog ng Buhi, Camarines Sur at Jane Tugade ng Catmon, Malabon City; pawang lulan ng Raymund Bus.
Ang isa pang namatay ay nakilala namang si Ramoncito Martinez, 42 ng Aliaga, Nueva Ecija, isa sa driver ng JMC tour bus na may 70 pasahero na karamihan ay nagsitakas mula sa Tacloban City, Leyte matapos itong salantain ng delubyo ng super typhoon Yolanda noong Nobyembre 8 ng taong ito.
Isinugod naman sa paÂgamutan ang mga nasugatang biktima na kasalukuyan pang inaalam ang eksaktong bilang at kung ilan sa mga ito ang survivors sa kalamidad.
Sa imbestigasyon masÂyado umanong madulas ang daan sanhi ng tumagas na langis sa mga bus na nagbunsod sa banggaan.
Nabatid pa na patungo sa Metro Manila ang mga survivor sa super bagyong Yolanda upang makituloy sa kanilang mga kamag-anak dito ng mangyari ang sakuna. Iniimbestigahan pa ang kaso.
- Latest