2 holdaper utas sa shootout
MANILA, Philippines - Kapwa bulagta ang dalawa sa pitong hinihinalang holdaper matapos umano silang makipagbarilan sa mga nagrespondeng pulis ilang minuto lamang makaraang holdapin ang isang negosyante sa San Fernando City, lalawigan ng Pampanga kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, base sa nakuhang identification card ay nakilala ang isa sa dalawang suspek na si Ramil Bondoc.
Sa pagsisiyasat, dakong alas-4:45 ng madaling araw nang maganap ang shootout sa kahabaan ng Dayrit Street , New Public Market sa Brgy. del Pilar.
Nauna rito, hinarang ng mga suspek ang Isuzu Elf (XLR 326) na may markang Boboy Cora Fruits and Vegetables na sinasakyan ng negosyanteng si Corazon Gumabon-Sason, 41, ng Brgy. San Juan, Sta. Rita, Pampanga.
Nabatid na tatlo sa mga armadong suspek ay lulan ng isang owner type jeepney habang ang apat pa ay magkaangkas sa dalawang motorsiklo nang tutukan ng baril ang ginang, driver ng truck na si Raymond de Jesus, 37 at ang pahinanteng si Jayson Libao, 23.
Agad na nagdeklara ng holdap ang mga suspek sabay hablot sa bag ni Gumabon-Sason na naglalaman ng malaking halaga na ipamamakyaw sana nito ng panindang prutas at gulay sa Urdaneta, Pangasinan.
Napansin naman ng mga nagpapatrolyang pulis ang komosyon kaya’t agad na hinabol ang papatakas na mga suspek na agad nagpaputok na nauwi sa ilang minutong barilan.
Napatay ang dalawang suspek habang tinamaan ng ligaw na bala ang isang obrero sa isang vulca nizing shop sa lugar na si Francis Gerbacio, 29.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa iba pang suspek.
- Latest