Kapitbahay pinatay ng 14-anyos
MANILA, Philippines - Dahil sa maling paratang na nagnakaw ng alagang manok, pinatay sa saksak ng 14-anyos na lalaki ang kanyang 36-anyos nitong kapitbahay sa Barangay Patag San Vicente, bayan ng Caramoan, Camarines Sur kamakalawa. Idineklarang patay sa Caramoan Municipal Hospital ang biktimang si Ronald Arcilla habang itinago naman sa pangalang Rene ang suspek na kapwa nakatira sa nasabing barangay. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, dinaluhong ng suspek ang nakatalikod na biktima na inundayan nito ng sunud-sunod na saksak hanggang sa bumulagta. Lumilitaw na bago ang krimen ay inakusahan ng biktima ang suspek na ninakaw at kinatay ang panabong na manok ng kaniyang ama. Arestado naman ang suspek na nakatakdang isailalim sa kustodya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development.
- Latest