Security consultant ng alkalde itinumba
BATANGAS, Philippines - Napaslang ang security consultant ng mayor sa bayan ng San Pascual matapos pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Poblacion sa nasabing bayan noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Omega Jireh-Fidel, Batangas PNP director ang biktima na si Alfredo “Pido†Aldover, tumatayong security consultant ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga.
Base sa police report, dumalo sa isang okasyon si Aldover at papauwi na nang harangin at ratratin habang papasakay ito sa koste sa kahabaan ng National Highway bandang alas-11:15 ng gabi.
Isinugod pa sa Mario Bejasa General Hospital sa bayan ng Bauan ang biktima pero idineklarang patay matapos mapuruhan sa ulo at likuran ng katawan.
Si Aldover ay naging vice-mayor ng San Pascual noong 1995 hanggang 1998 at nagsilbi ring mayor ng tatlong buwan matapos masuspindi si ex-Mayor Mario Magsaysay bago ang 1998 local elections.
Samantala, sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sinasabing lango sa alak ang biktima nang walang habas na mamaril kung saan tumigil lamang ito matapos maubusan ng bala.
Dito na umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa madilim na bahagi ng nasabing lugar habang patuloy naman ang imbestigasyon. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest