Mag-asawang kandidato nilikida
MANILA, Philippines - Limang-araw bago ganapin ang barangay elections, napatay ang mag-asawang kumakandidato matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Tabud, bayan ng Bataraza, Palawan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Senior Supt Raymond Domingo, hepe ng Bataraza PNP ang mag-asawang biktima na sina Rogelio Consomino, 56; at Zosima Consomino.
Nabatid na si Zosima ay kumakandidatong barangay chairman habang ang mister naman nito ay kandidato sa pagka-barangay kagawad.
Bandang alas-12:05 ng madaling araw habang pauwi na ang mag-asawa mula sa pakikipanood ng telebisyon sa kanilang kapitbahay nang harangin at ratratin ng mga armadong lalaki.
Bago maganap ang krimen, nakatanggap umano ng pagbabanta sa kanilang buhay ang mag-asawa na sinasabing maraming supporter sa kanilang lugar.
Pinaniniwalaang may bahid-pulitka ang naganap na pamamaslang sa mag-asawa dahil sa labanan ng mga kandidato sa nasabing eleksyon sa Oktubre 28.
- Latest